Pink Ba?
Earlier this year, nagkasakit ang nanay ko. Bigla naming nalaman na may ruptured aneurysm sya. Delicate yun na kondisyon; nagstay sya sa ICU ng mga tatlong linggo, habang ako ay naka-"admit" din sa Watcher's Area ng Davao Doctors Hospital, natutulog sa mga upuan na parang nakasakay ng Bachelor Express papuntang Butuan. Nagkaroon ako ng bedsores doon, pramis.
Nung mga panahon na yun, ang consciousness ni Mama parang switch ng ilaw - on and off. May mga araw na gising sya at nakatitig sa akin o sa mga bisita niya. May mga araw din na parang mantika siya matulog. Ngayon, after five months, nasa bahay na siya, nagpa-praktis maglakad at magsalita.
Nagkukuwentuhan kami ni Mama kaninang umaga tungkol sa time na nasa hospital pa sya. Eversince, lagi niyang sinasabi na wala syang maalala sa nangyari nung sumakit ang ulo niya hanggang sa nakalabas siya ng hospital matapos ng mahigit isang buwan. Pero kanina, bigla niyang nasabi na may naalala daw sya.
Pink na kuwarto, nakahiga sya mag-isa, malamig, may glass na mga pinto at may mga taong dumadaan-daan sa labas.
Ang una kong naisip, "Shef umabot si Mama sa purgatoryo."
Pero bigla ko ring naisip, pink ba ang kulay ng mga kuwarto sa ICU ng Davao Doc?
Ewan sa buwan. :)
***
Trabaho!
Limang buwan na ang nakalipas mula nung ma-ospital si Mama. Limang buwan na rin akong hindi nagtrabaho.
Bago nangyari ang mala-telenobelang kabanata sa aming buhay, nagtuturo ako ng English at kabulastugan sa mga batang Koreano. Dakdak ako ng dakdak mula alas tres ng hapon hanggang alas nuwebe ng gabi, pera na agad. At dahil mataas ang sahod at laway ko lang ang puhunan, nalihis ako sa aking pagiging nurse.
Malayo na rin ang naabot ng mga kaibigan kong nurse na. Ngayon, pag tinatanong ako ng mga echoserang taong hindi ko close kung anong trabaho ko, ang sarap sumagot na Company Nurse ako ng Lopez Group of Companies or OR nurse ako sa Mindanao Heart Center. Pero hindi eh. Simpleng nurse ako na piniling magsilbi sa Nanay kong mas kailangan ako kesa ng mga empleyado ng mga Lopez.
May mga taong ibinabase ang buong katauhan mo sa iyong trabaho. Kaya kung minsan, ang sarap magsinungaling tungkol sa aking hanap-buhay. Ang sarap sabihing pari ako, o professional wrestler or miyembro ng Secret Service para lang matahimik ang 35,000 na echosera sa mundo. Minsan di naman masusukat ang halaga ng isang tao sa kanyang trabaho lamang.
Pero di ko maipagkakaila na napapaisip din ako. Ano nga ba ang gagawin ko sa anakngtipaklong kong buhay?
Siyempre sa ngayon, nakatutok ako sa paggaling ng Nanay ko. Parang yan ang aking pradyek-pradyekan kuno. At pag gumaling na siya, ano na?
Madaling bumalik sa trabaho ko bilang tutor ng mga Koreans, lab na lab ako ng mga bata at matanda dun. Marinig lang nila ang boses ko, chikahan in barok English na agad. Pero nakakapagod din ang ingles ng ingles, grammar ng grammar. Napupurol ang kaliwang bahagi ng utak ko, di na ako makakasali sa Game Ka Na Ba.
Kung ipagpapatuloy ko ang pagiging nurse, tiyak na matutuwa ang sambayanang Maa. Pero ang siste, hindi ko talaga feel ang hospital. At masyadong matagal akong nagliwaliw na halos di ko na alam kung paano magcompute ng drop rate ng IVF. In short, mukhang napapanis na ako.
Pero pwede namang magtraining. Balak ko pumasok bilang trainee sa isang ospital, yung maliit lang para di mabulgar ang aking mga kalokohan. At balak ko talagang mag-specialize bilang psychiatric nurse. Magbinuangay mi sa akung pasyente.
Kung papipiliin ako, ayoko na bumalik sa puting mundi ng narsing. Gusto ko talagang maging doktor mula nung bata pa ako. Kaya lang naman ako nakumbinse mag-aral ng Narsing kasi maganda siyang pre-Med course. Pero palaka! Bente dos na ako at di pa ako nakaapak sa Med school. Kung kasing mura lang sana siya ng isang kilo ng durian...
Limang buwan na ang nakalipas mula nung ma-ospital si Mama. Limang buwan na rin akong hindi nagtrabaho. Namimiss ko ng gumala tuwing petsa kinse at petsa trenta at magpaka-bongga. Namimiss ko nang maglista ng mga mamahaling bagay na bibilhin ko pag nakaipon ko, at sa huli di ko naman nabibili. At namimiss ko yung pakiramdam na may na-achieve akong churvaloo sa aking buhay.
Hay buhay. Ano nga ba ang magandang gawin sayo??
No comments:
Post a Comment