Kausap ko ang estudyante ko kanina. Pinag-uusapan namin ang isang historical landmark na napuntahan niya sa Maynila - ang EDSA Shrine. Sabi niya, nung panahon ng EDSA revolution, walang kalayaan ang mga tao na gawin ang maraming bagay. Sinabi niya rin na wala rin daw "freedom of depressed".
Natahimik ako sa sinabi niya. Maganda yun ah. Freedom of Depressed.
Sa panahong talamak ang ka-emo-han at ka-OA-han sa mundo, malamang dapat nating isulong ang kalayaan ng mga taong depressed. Sakop nito ang mga privilege ng mga taong tinamaan ng matinding depresyon sa kanilang buhay.
Matindi ang pinagdadaanan ko ngayon pero hindi ko masabi kung depression nga ba ito. Alam ko na pagdepressed ako, marami akong karapatan. Tulad ng..
1. Maglasing araw-araw sa loob ng isang buwan. Kilalanin ang lahat ng cocktail na nakalista sa menu.
2. Lumamon ng lahat ng pagkaing gusto ko. Kulang nalang, humilata sa kama at abangan ang stroke.
3. O di kaya, kalimutan na kailangan ng katawan ko ang pagkain. Gawing idol si Karen Carpenter.
4. Matulog buong araw. Aakalain ng mga kasama ko sa bahay na na-stroke na nga ako.
5. Makinig labsongs umaga hanggang gabi. Masokista, sobra.
6. Magpost ng status sa FB maya't maya, daig pa ang adbertays ni Villar sa TV.
7. Isubsob ang sarili sa trabaho. Ultimo paglilinis ng banyo sa opisina, feel kong gawin.
8. Pumunta sa mataong lugar at tumunganga mag-isa.
9. Umiyak habang kumakain ng ice cream.
10. Magpa-manicure at pedicure linggo-linggo.
Para sa akin, ito ang mga bagay na sakop ng Freedom of Depressed dahil ginawa ko ang lahat ng ito minsan sa aking buhay. Sa ngayon, ang nagagawa ko pa lamang ay ang number 8. Hindi naman ako gaanong tumunganga. Nagpa-cute lang ng konti sa mga lalake sa kabilang la mesa at umuwi agad ng kinilabutan na. Siguro depressed ako, siguro hindi. Siguro natutunan ko na ang mga pinaka-epektibong paraan upang magmukhang normal kahit malungkot.
Freedom of Depressed. Alam kong barok pakinggan at alam kong dapat kong pinagtawanan ang estudyante ko kanina. Subalit nakaisip ako ng isang mahalagang aral. Kung karapatan ng tao na maging masaya, may karapatan din siyang makaramdam ng lungkot at maghanap ng paraan upang maibsan ito, basta't wala siyang naapakan o nasasaktang iba.
Nagtatagalog ako kasi napagod ako sa kaka-ingles buong hapon.
Bow.